ANG
PAGTATAPOS
Gemiliano Pineda
Mahigit nang
sampung taon ang nakararaan nang iwan ko ang mataas na paaralan sa aming
lalawigan, nguni’t hanggang ngayo’y matingkad pa sa aking alaala ang gabi ng
pagtatapos at ang kalugurang sumapuso ko sa pagkakataong iyon.
Kami’y
dalawampu’t anim lamang---limang babae at dalawampu’t isang lalaki---na
nakatapos sa ikaapat na baitang sa maliit na haiskul na itinayo sa aming bayan
sa tulong ng kayamanang ipinamana ng isang mapagkawanggawang mamayan.
Nang kaming
nagsipagtapos ay nasa munting tanghalan, at pinagmamalas ng aming mga magulang,
kamag-anak, kababayan at mga guro sa paaralan, ay saka lamang ako nakaramdam ng
tunay na kaligayahan at pagpupuri sa sarili. Noon ko lalong natiyak na ang
aming pagkakapag-aral ng apat na taon ay sumapit sa isang makahulugang yugto ng
aming buhay---at kahit gaano ang hirap na aming tiniis upang makamit iyon ay
parang bulang napawi sa pag-uumapaw na kasihayan sa aming puso. Ang mata ng
boung bayan ay sa amin nakapako. Nang gabing yaon ay kaming nagsipagtapos ang
paksa ng salitaan, hantungan ng maliligayang pagbati, at siya ring
pinag-uukulan ng pinakamakulay na pangarap. Ngunit batid kong sa mga sandaling
iyon ay may mga katanungang naglalaro sa guni-guni ng bawat isa sa amin: kung
makakapagpatuloy ng pag-aaral sa Maynila. Gayon man, lahat ng mga suliraning
naghihintay sa aming landas ay pansamantalang nalingid sa aming mga matang may
kislap ng pag-asa at kaligayahang bunga ng pagtatapos sa apat na taong pagsisikhay.
Ang mga pagbating aming tinanggap, ang mga papuri ng panauhing pandangal, at
ang masigabong palakpakan ng mga manonood nang tinanggap na namin ang mga
diploma, ay tumiim at nagtining sa aming puso---nalaman naming kami’y
karapat-dapat. Ang gabing yaon ng pagtatapos ay tanging para sa amin.
Datapwa, ang
kahulugan at kahalagahan ng pagtatapos ay hindi siyang mahalaga. Madaling
napapawi ang ningning ng isang gabi ng pagdiriwang at pagsasaya. Ang mga
palakpak at papuri ay dagling nanunuot lamang sa ating pandinig ngunit hindi
namamahay sa puso. Ang mahalaga ay ang panahong ginugol natin sa pag-aaral bago
nakarating sa yugto ng pagtatapos at ng pamamaalam sa paaralan.
Ang apat na
taon sa mataas na paaralan ay siyang kadalasang namamagitan sa hangganan ng
kamusmusan at ng pagsapit sa pagiging ganap na dalaga at binata ng isang
nag-aaral. Sa loob ng panahong iyon ay hindi lamang sumasailalim ng pag-unlad
ang katawan o sariling anyo, kundi pati na ang isipan at ang puso. Kaya naman
ang mga nag-aaral sa haiskul ay puno ng pananabik sa karunungang natatago sa
mga aklat at sa karanasang inihahandog ng buhay. At iyan ang ikinapagiging
masaya’t di ikalilimot sa mga taon sa haiskul.
Ang bawat
magtatapos sa haiskul ay tiyak na makararamdam ng kabigatan ng loob sa
napipinto niyang paglisan sa paaralang sumaksi sa kanyang pag-aaral ng apat na
taon. Ngunit hindi ang mga gurong sa kanya’y nagbukas sa malalawak sa tanawin
ng karunungan.
Kapag siya
ay nagtapos sa haiskul, ay nasa iba ng pook o kaya’y tumutuklas na ng
karunungan sa isang unibersidad sa pangulong-bayan ng lalawigan o kaya’t sa
Maynila, at saka siya makararamdam ng matinding pangungulila at panghihinayang
sa lumipas na panahon. Ito’y aking natitiyak, sapagka’t siya kong naramdaman at
nararamdaman hanggang ngayon.
Hahanap-hanapin
ng mga nagsipagtapos sa haiskul ang dating mga mukhang naging kaniig-niig
pagkatapos ng pag-aaral at ang magiliw at bukas-loob na pakikisama ng mga
kaklase. Ngunit mapait na pagkabigong may kakambal na pagkagulumihanan ang
kaniyang malalasap sakali’t nag-aaral na sa unibersidad. Makikita nila, tulad
ng pagkakita ko at pagkadanas ng lahat, na ang pagpapalagayan ng mga mamamayan
sa lungsod: kahit magkapitbahay ay hindi nagbabatian o hindi magkakilala.
Ipagtataka niya, ngunit maaring maunawaan pagkatapos, kung bakit gayong
magkakasama sa isang silid sa paaralan, kapag nagkikita sa lansangan ay parang
hindi magkakilala. At natitiyak ko rin, na kapag siya’y tanungin kung may
nakikilala na sa kanilang klase, ay wala siyang karang-rakang maituturo. Ang
kalagayang “pagkakaniya-kanya” o individualism ng mga nag-aaral sa unibersidad
ay siyang unang katotohanang napalantad sa paningin ng mga nagsipagtapos sa
haiskul. Silang namihasa sa loob ng apat na taon sa magiliw at bukas-loob na
pakikisama ng kanilang mga kaklase ay maninibago sa pag-aaral sa
unibersidad---mahirap nilang maramdaman na sa isang silid ay mayroon silang
maituturing na kaibigan. Maaring lumipas ang mga taon ngunit ang mga nag-aaral sa unibersidad ay maaring mabigo sa paghahanap
ng kaibigang natagpuan nila samantalang nag-aaral pa sa haiskul.
Sa mga
nagsipagtapos sa mataas na paaralan ngayong taong ito ay aking sinasabi: pagyamaning
lagi ng sa alaala ang lumipas na panahon sa pag-aaral at ang pakikipagsamahang
nalasap. Tulad ng kabataan, ang pag-aaral sa haiskul ay minsan lamang dumaraan sa buhay. Natitiyak
ko na sa pagdaan ng taon ay paulit-ulit na magbabalik ang inyong gunita sa
nilisang paaralan. Maaring may mahigit na kalayaang naghihintay sa inyo sa
unibersidad, ngunit ang pakikisama ng mga kamag-aral, ang inyong kabataang bago
pa lamang nanunungaw sa larangan ng buhay, ay mag-iiwan ng malalim na bakas sa
inyong alaala. At ang inyong pagtatapos sa haiskul, na maaring walang
kasinligaya at kasinsaya, ay saka ninyo lubos na maunawaan: na yao’y simula
lamang ng totohanang pag-aaral sa buhay.