Friday, October 21, 2011

ANG PAGTATAPOS


ANG PAGTATAPOS
Gemiliano Pineda

Mahigit nang sampung taon ang nakararaan nang iwan ko ang mataas na paaralan sa aming lalawigan, nguni’t hanggang ngayo’y matingkad pa sa aking alaala ang gabi ng pagtatapos at ang kalugurang sumapuso ko sa pagkakataong iyon.
Kami’y dalawampu’t anim lamang---limang babae at dalawampu’t isang lalaki---na nakatapos sa ikaapat na baitang sa maliit na haiskul na itinayo sa aming bayan sa tulong ng kayamanang ipinamana ng isang mapagkawanggawang mamayan.
Nang kaming nagsipagtapos ay nasa munting tanghalan, at pinagmamalas ng aming mga magulang, kamag-anak, kababayan at mga guro sa paaralan, ay saka lamang ako nakaramdam ng tunay na kaligayahan at pagpupuri sa sarili. Noon ko lalong natiyak na ang aming pagkakapag-aral ng apat na taon ay sumapit sa isang makahulugang yugto ng aming buhay---at kahit gaano ang hirap na aming tiniis upang makamit iyon ay parang bulang napawi sa pag-uumapaw na kasihayan sa aming puso. Ang mata ng boung bayan ay sa amin nakapako. Nang gabing yaon ay kaming nagsipagtapos ang paksa ng salitaan, hantungan ng maliligayang pagbati, at siya ring pinag-uukulan ng pinakamakulay na pangarap. Ngunit batid kong sa mga sandaling iyon ay may mga katanungang naglalaro sa guni-guni ng bawat isa sa amin: kung makakapagpatuloy ng pag-aaral sa Maynila. Gayon man, lahat ng mga suliraning naghihintay sa aming landas ay pansamantalang nalingid sa aming mga matang may kislap ng pag-asa at kaligayahang bunga ng pagtatapos sa apat na taong pagsisikhay. Ang mga pagbating aming tinanggap, ang mga papuri ng panauhing pandangal, at ang masigabong palakpakan ng mga manonood nang tinanggap na namin ang mga diploma, ay tumiim at nagtining sa aming puso---nalaman naming kami’y karapat-dapat. Ang gabing yaon ng pagtatapos ay tanging para sa amin.
Datapwa, ang kahulugan at kahalagahan ng pagtatapos ay hindi siyang mahalaga. Madaling napapawi ang ningning ng isang gabi ng pagdiriwang at pagsasaya. Ang mga palakpak at papuri ay dagling nanunuot lamang sa ating pandinig ngunit hindi namamahay sa puso. Ang mahalaga ay ang panahong ginugol natin sa pag-aaral bago nakarating sa yugto ng pagtatapos at ng pamamaalam sa paaralan.
Ang apat na taon sa mataas na paaralan ay siyang kadalasang namamagitan sa hangganan ng kamusmusan at ng pagsapit sa pagiging ganap na dalaga at binata ng isang nag-aaral. Sa loob ng panahong iyon ay hindi lamang sumasailalim ng pag-unlad ang katawan o sariling anyo, kundi pati na ang isipan at ang puso. Kaya naman ang mga nag-aaral sa haiskul ay puno ng pananabik sa karunungang natatago sa mga aklat at sa karanasang inihahandog ng buhay. At iyan ang ikinapagiging masaya’t di ikalilimot sa mga taon sa haiskul.
Ang bawat magtatapos sa haiskul ay tiyak na makararamdam ng kabigatan ng loob sa napipinto niyang paglisan sa paaralang sumaksi sa kanyang pag-aaral ng apat na taon. Ngunit hindi ang mga gurong sa kanya’y nagbukas sa malalawak sa tanawin ng karunungan.
Kapag siya ay nagtapos sa haiskul, ay nasa iba ng pook o kaya’y tumutuklas na ng karunungan sa isang unibersidad sa pangulong-bayan ng lalawigan o kaya’t sa Maynila, at saka siya makararamdam ng matinding pangungulila at panghihinayang sa lumipas na panahon. Ito’y aking natitiyak, sapagka’t siya kong naramdaman at nararamdaman hanggang ngayon.
Hahanap-hanapin ng mga nagsipagtapos sa haiskul ang dating mga mukhang naging kaniig-niig pagkatapos ng pag-aaral at ang magiliw at bukas-loob na pakikisama ng mga kaklase. Ngunit mapait na pagkabigong may kakambal na pagkagulumihanan ang kaniyang malalasap sakali’t nag-aaral na sa unibersidad. Makikita nila, tulad ng pagkakita ko at pagkadanas ng lahat, na ang pagpapalagayan ng mga mamamayan sa lungsod: kahit magkapitbahay ay hindi nagbabatian o hindi magkakilala. Ipagtataka niya, ngunit maaring maunawaan pagkatapos, kung bakit gayong magkakasama sa isang silid sa paaralan, kapag nagkikita sa lansangan ay parang hindi magkakilala. At natitiyak ko rin, na kapag siya’y tanungin kung may nakikilala na sa kanilang klase, ay wala siyang karang-rakang maituturo. Ang kalagayang “pagkakaniya-kanya” o individualism ng mga nag-aaral sa unibersidad ay siyang unang katotohanang napalantad sa paningin ng mga nagsipagtapos sa haiskul. Silang namihasa sa loob ng apat na taon sa magiliw at bukas-loob na pakikisama ng kanilang mga kaklase ay maninibago sa pag-aaral sa unibersidad---mahirap nilang maramdaman na sa isang silid ay mayroon silang maituturing na kaibigan. Maaring lumipas ang mga taon ngunit ang mga nag-aaral  sa unibersidad ay maaring mabigo sa paghahanap ng kaibigang natagpuan nila samantalang nag-aaral pa sa haiskul.
Sa mga nagsipagtapos sa mataas na paaralan ngayong taong ito ay aking sinasabi: pagyamaning lagi ng sa alaala ang lumipas na panahon sa pag-aaral at ang pakikipagsamahang nalasap. Tulad ng kabataan, ang pag-aaral sa haiskul  ay minsan lamang dumaraan sa buhay. Natitiyak ko na sa pagdaan ng taon ay paulit-ulit na magbabalik ang inyong gunita sa nilisang paaralan. Maaring may mahigit na kalayaang naghihintay sa inyo sa unibersidad, ngunit ang pakikisama ng mga kamag-aral, ang inyong kabataang bago pa lamang nanunungaw sa larangan ng buhay, ay mag-iiwan ng malalim na bakas sa inyong alaala. At ang inyong pagtatapos sa haiskul, na maaring walang kasinligaya at kasinsaya, ay saka ninyo lubos na maunawaan: na yao’y simula lamang ng totohanang pag-aaral sa buhay.    

No comments:

Post a Comment